Wednesday, February 28, 2007

kaaarok ko lang

marami ka kasing ginagawa nun
limang papers na sabay-sabay ipapasa
dalawang exams
may report ka pa
masisingko ka pa sa physics 132
napagalitan ka pa ng nanay mo

kaya binigyan kita ng stress ball

akala ko kasi stress lang
akala ko talaga stress lang...

Friday, February 23, 2007

hibik at himagsik ng mga pekpek

daena

marami-rami na rin ang napagbuhusan ng nana
ng patuloy na pinipigang utak
marami-rami na rin ang naibahay na organismo
halu-halo na ang naging kulay
amoy at lapot ng likido

mga gumagapang na memorya
ng pagkakaibigan, bago, luma
at kalilipas na pag-ibig
mga hindi matukoy na pagmamahal at galit
at sa paghahalo'y kumukulo
sa galit sa pagmamhal
at lumiliyab
sa pagmamahal sa galit
mga inaagiw na alaala ng kabataan
nakangiti, pilit pinupunasan
ng pawisang kamay
mga haka-haka sa bukas na kailanman
kayang-kayang baguhin
dilaw pula putik
asul itim lila
mabaho mabango mapanghi masangsang
sipon ihi bendeta
luga tamod luha

minsan nga naman kailangang magsakripisyo ng utak
kung ayaw masaktan ang puso



ching

minsan sa isang taon
takpan ang bintana ng makapal na karton
isarado ang pinto
tapalan lahat ang butas sa bubong
patayin lahat ng ilaw
mahiga at huwag gumalaw
huwag masyadong huminga

dahil minsan sa isang taon
kailangang magpahinga ng anino
sa mga panahong
mabilis ang buhay
mabilis na madali na lang ang mamatay

kung hindi man sya makapagpahinga
kahit minsan sa isang taon man lang
maranasan niyang makapiling ang kadiliman
maging bahagi ng katotohanang
nawawaglit sa pinakamapanglaw na liwanag
at maiiwan syang nag-iisa
naghahabol
nakikigaya
nakikibagay sa direksyon ng ilaw

walang pinipiling araw ng taon
ang kanyang kaarawan
ibigay mo naman minsan


rebolusyon

pinagtagpo tayo ng galit at hinanakit
maganda ang pangako ng rebolusyon
magiging hari ang lahat
ngunit huwag na tayong umasa
ilang rebolusyon na ang nagdaang nagsinungaling
kahit ang rebolusyon ng kaliwa at kanang kamay
ng puso at isipan
naging hari ba ang lahat?

patuloy nating kakalampagin ang keyboard
rayuma lang ang makapagpipigil sa atin
salamat sa panahon

p.s. akayin niyo ang puso ko
naninibago, hindi kasi sanay sa ganito....


Saturday, February 17, 2007

3rd world snowman

isipin mo nga
kung may mahirap na bansang
dinadalaw ng snow?
ako man ay nahihirapan.

mahirap ang aking tinatahak na daan
at kagaya ng pilipinas
mainit

ngunit di mo na ako
kailangang ipasok sa freezer
kusa akong lumalamig

hindi kagaya
ng tubig na ginagawang ice cubes
hindi ang pinakalabas
o ang pinkaibabaw
ang unang lalamig
titigas

dahil wala na sigurong mas lalamig pa sa aking puso
at dadaloy ang lamig palabas
sa mga ugat
papuntang lalamunan
kasabay ng baga
atay, bituka,bato
lahat ng laman loob...

pagkatapos noon
mga hita, kasabay ng braso
binti, sakong, paa
dulo ng daliri

at pagkatapos ng utak
titigas na rin
ang pinakadulo ng mahaba kong buhok...

nahihirapan ako
mainit ang paligid
ngunit kusang lumalamig

huwag mo akong kalabitin
matutumba na lang ako
at mababasag



Tuesday, February 13, 2007

asa

sinubukan kong ilubog
ang aking mga paa sa putik
nagbaka-sakaling
matisod ko
ang matagal ko nang hinahanap

nakailang ikot na rin
ang aking talampakan
walang gumuhit
walang kumalabit

umalis akong walang napala
kundi ang malaman
kung gaano na kalalim
ang naghalong
luha at dumi

Monday, February 12, 2007

ano na uli ang pangalan mo?

sa tinagal-tagal
nakalimutan ko na rin
isang tinik na nabunot
sa aking lalamunan

matagal-tagal pa
ang sa puso
alam ko

masaya na rin ako
sa ganitong
maayos na ang aking paglunok
ng laway
nakapapawi na rin ng uhaw

matagal na ring
naghilom ang gasgas
sa tuwing binabanggit ko
ang pangalan mo
at inuubo ko
ang aking pag-ibig
para sa'yo...

ibulong mo uli sa akin
ang pangalan mo
baybayin mo nang tama
magugulat ka

hindi ko pa rin maaalala...

Tuesday, February 06, 2007

paalam!!!

mahal kita
at alam kong kulang pa

pihikan ako
kaya't siguradong
perpekto ka

kaya naman mahal kita
at malamang kulang pa

perpekto ka
at ako'y aalis na

Sunday, February 04, 2007

magkano ang lip balm?

bitak-bitak na ang aking mga labi
sa lamig ng gabi
at walang kayakap